Pare ko
Sunday, May 24, 2009 17:24 (UTC)
WALA AKONG amor sa mga rally.
Sumasama lang ako rito kasi tsine-check ng mga prof ko ang attendance. Maaring paraan lamang yun ng aming mga prof upang mailubog kaming mga estudyante sa mga isyu. Banas na banas ako pag may ganitong pagtitipon. Napaplastikan kasi ako sa mga nangunguna sa mga ganitong mobilisasyon sa aming unibersidad. Pakiramdam ko lahat sila ay may pulitikal na motibo.
Sisigaw sa lansangan ng kung anu-anong mantra na sa wari ko'y hindi naman talaga nila naiintindihan. Pampahakot lang daw ito ng boto para sa darating na halalan sabi ng iba. May persepsyon kasi, na pag nakikisali ka sa mga rally, me alam ka sa mga isyu. At saan pa nga ba ang kadalasang bagsak ng ganitong mga pambubulahaw sa lansangan? Siyempre, sa makasaysayang Mendiola.
Naiinggit ako sa mga nag-aaral sa Mendiola. Lagi raw suspendido ang klase nila kapag may mga malalaking rally. Sana doon na lang ako nag-aral.
Mendiola raw ang naging piping saksi sa iba't-ibang uri ng pakikibaka ng mga Pilipino. Ito raw ang siyang tetestigo sa pagiging militante ng mga mamamayan. Sa kaso ko, dito ko simulang nakilala ang lingid kong katauhan.
Kalagitnaan na ng Nobyembre nang muli akong napadpad sa Mendiola. Ito ay kainitan ng mga mobilisasyong hayagang nagpapakita ng pag-ayaw sa rehimeng Estrada. Ayaw nga akong payagan ng syota kong si Liza na sumama. Lumiban na lang daw ako at sunduin siya sa kanilang eskwelahan. Palibhasa walang puwang ang mga isyung panlipunan sa unibersidad na kanyang pinapasukan. Idagdag pa rito na mayaman ang gaga. Sabi ko sa kanya, papapel lang ako sa prof ko. Sisigaw lang ako ng ilang mga chants at pagdating sa Mendiola, unti-unti akong pupuga. Tutal gawain ko naman iyon. Kung may magtatanong kung bakit bigla akong nawala, madaling magdahilan na sa kapal ng tao ay maaring di lang nila ako nakita. Nang nagsimulang mag-inarte si Liza, pinatay ko na lang ang cellphone ko. Nagsisimula na ang rally sa harap ng aming kolehiyo ng tumunog ang aking cellphone. 1 Message Received. Si Liza. Brek na tyo. Uv bin gnorin me 4d past few months, m fed up. Besides, sawang sawa nako sa pagtitibaktibakan mo.gudbye :(
Tanginang babaeng ito!! Ang babaw!!! For the nth time nakipagbreak na naman sa akin. And definitely, few days from now kokontakin uli ako nyan, makikipagreconcile. Kabisado ko na 'tong si Liza, magtatatlong taon na rin kami. Kung anumang kabwisitan ko sa babaeng iyon ay ibubuhos ko na lang sa mga ritmo at sigaw ng pakikibaka. Iskolar ng bayan, ngayon ay lumalaban!!! Nag-iinarte ka na namang babae ka ha! Sobra nang pahirap, patalsikin si Erap!!
Sa wakas ay nakaabot na rin kami sa Mendiola nang malapit nang malaglag yung mga ngalangala namin sa kasisigaw. Umaalon na naman ang Mendiola sa dami ng mga tao. Sa pagkakataong ito ay higit na marami ang nakilahok kumpara sa mga nakaraang mobilisasyon na dinaluhan ko. Maaring pagpapakita lamang ito na lumalaki ang bilang ng mga mamamayang ayaw nang pauto sa kasalukuyang rehimen.
Nang nagsimula na ang programa ay unti-unti na akong sumimple para makalabas na sa karagatan ng mga nakikibaka. Napansin ako ng isa kong kasama at tinanong kung saan daw ako pupunta. Sabi ko may bibilhin lang. Nagsimula akong tumayo at payukong naglakad sa gitna ng libu-libong tao. Wala pang ilang segundo nang aking scheming na pagtakas ay may narinig na akong mga naghihiyawan at pinauupo ako. Natatakpan ko raw yung palabas. Mga putangina tong mga ito, as if naman kasing laki ko yung entablado.
Nagpatuloy ako sa aking paglalakad at tila naguguluhan na ako kung saan ako pupunta. Kahit saan ako tumingin ay puro tao ang nakikita ko. Sinasabayan pa ito ng mga hiyaw na nagsasabing maupo raw ako. Hoy, umupo ka naman gusto rin naman naming makita yung nagpepeperform. Ilang saglit lang parang tinatablan na ako ng pagkahilo at kahihiyan. Umupo ako sa unang bakanteng sementong nakita ko. Pag-upo ko, tiningnan ko ang mga nasa kanan ko, mga nakaputi, mga nakaabito.
Shit.. mga pari! Nagsisimula na akong maging allergic sa mga ito. Baka silaban nila ako pag nalaman nilang kinukunsidera kong maging atheist.
Luminga-linga ako para humanap ng lilipatang puwesto nang may umupo sa kaliwa ko. Salamat sa Diyos (ekspresyon ko lang ito kahit malapit na akong tumiwalag sa pananampalatayang may diyos) at hindi siya nakaputi tulad ng mga pari. Actually, yung mga nasa kanan ko lang pala yung mga nakaputi. Samantalang nakasibilyan naman yung mga nasa kaliwa ko na kung di ako nagkakamali ay mga miyembro ng isang human rights organization (ito ay dulot ng mga placards na dala nila na nagsasabing "sobra na ang mga pagtapak sa karapatang pantao sa kasalukuyang administrasyon"). Okey na yan, siguro dito muna ako uupo pansamantala. Dala na rin siguro ng pagod ay napayuko na lang ako, walang pakialam kung ano na ang tinatakbo ng programa.
Naalala ko si Liza.
Magtatatlong taon na kami pero bakit parang walang tinatakbo ang aming relasyon. Bwiset..bwiset!! Lumalabo na yata paningin ko, tubig na itong nakikita ko.
Pare, panyo. Me problema ba? Tangina!!! Kaya pala lumalabo na ang paningin ko kasi naiyak na pala ako. Tangina!! Nakakahiya. Wala pare, napuwing lang ako. Bwisit kasi itong mga buhanging ito, palusot ko na lang kahit hindi naman talaga humahangin. Nahihiya man ako e tumingin pa rin ako sa kanya para lang ipakita na ok lang ako at napuwing lang talaga. Ngumiti siya.
Inabot niya ang kanyang kamay sabay sabing, Nick, pare.Kinamayan ko naman siya. Albert.Nagsimula siyang magtanong kung saang unibersidad daw ako nanggaling hanggang sa humantong sa mga isyu ng lipunan. O my God (kahit parang ayoko nang maniwala na me god) sa loob loob ko. Pabibuhan ba ito ng mga nalalamang isyu? Sige na nga. Inaryahan ko siya ng mga rebolusyunaryong pananalita upang ipakitang alam ko ang aming mga pinaglalaban. Nakakalungkot isipin na ang naghahari pa rin sa mga lalawigan ay ang mga panginoong may lupa habang patuloy ang paghihirap ng mga magsasaka. Parang hindi siya bumilib. Binigay ko ang aking mga opinyon na kopya ko pa sa aking mga aktibistang propersor. Patuloy na magiging palasak ang ating bayan dahil ang ating bansa ay import dependent, export oriented at debt ridden. Tila wala siyang interes. Nakatingin lang siya sa akin. Parang nakakaloko ang tingin. Gago 'to ah!
Kung may tao mang nakakaramdam kung peke ang pagiging tibak ng isang tao malamang siya na 'yun. Yung mga ngisi niya sa akin ay tila nagpapahiwatig na tigilan ko na ang mga pretensyon ko dahil alam niyang may iba akong motibo sa pagpunta sa mobilisasyon. Siya naman ang nagsalita. Mabago man ang pamunuan ngayon wala pa ring garantiya na magiging makatarungan na ang susunod na liderato. Hindi lang kasi sa liderato mayroong problema, sa sistema mismo. Hanggang trianggulo pa rin ang pagkakaayos sa ating lipunan, mananating may mga naaapi hangga't may mga mangangamkam ng karapatan ng ibang mga mamamayan. Napag-isip ako. Tama siya. Pwede ko ngang isipin na minemorya niya ang lahat ng sinabi niya ngunit natural na natural niya itong sinambit. Taliwas sa ibang mga nariringgan kong opinyon sa aming unibersidad na napakaakademiko ng pagkakalahad. Bibong bata, very interesting.
Medyo nag-aalisan na ang ibang mga tao at namamanhid na rin ang pwet ko sa pagkakaupo. Aakma na akong tatayo ng tinanong niya kung saan ako pupunta. Sabi ko babalik na ako sa mga kasama ko, kahit ang totoo'y itutuloy ko na ang pagtakas ko pauwi. Pare, call me, sabi niya. Baket? Sa loob loob ko. Kumuha siya ng isang piraso ng papel at sinulat niya ang kanyang telephone number. Pare, tuwing weekends lang, na sinabayan niya ng kanyang ngiti. Pagkaabot niya sa akin ng papel ay isinilid ko na lang iyon sa aking wallet. Payuko ko muling binagtas ang karagatan ng mga nakikibaka at di ko na siya nilingon pa.
Magdamag akong nakahilata at nakatitig sa aking cellphone, naghihintay ng kahit anong text messages. Sabado yun ng gabi at katatapos ko lang manood ng satirikong Ispup. Kung pwede nga lang gawing katawa-tawa yung mga pulitikal na kaguluhan sa bansa e di masaya sana buong Pilipinas. Kaso, bagsak na ang ekonomiya at higit na marami na ang nahihirapan.
Hindi na nakakatawa kumbaga.
Naalala ko na naman si Liza.
Magtatatlong araw na siyang hindi tumatawag. Bad trip!
Sige lang magpataasan muli kami ng pride ngayon. Kinuha ko ang aking wallet para man lang silayan yung litrato naming dalawa ni Liza. Aminin ko man o hindi, namimiss ko na rin yung gaga. Pagbukas ko ng wallet ay isang kapirasong papel ang bumagsak. Inagaw ng papel na iyon ang aking atensyon at nakalimutan ko ng tingnan pa ang larawan ni Liza. Pagbukas ko ng papel ay nakita ko ang pangalang Nick at may telephone number na katabi ito.
Nick?…Nick?..Nick?…ahhh si Nick! Ewan ko kung bakit pero bigla akong na-excite. Kinuha ko ang telepono at dinial ang kanyang numero.
Sa pangalawang ring pa lang ay may sumagot. Good evening, pwede po ba kay Nick? Hindi man lamang ako kinausap ng nasa kabilang linya basta pinasa na lang ang telepono. Yes, good evening, sigurado ako si Nick na yun. Ah Nick, si Albert 'to. Yung katabi mo sa Mendiola nung isang araw. Kung makikita ko lang siya ay sigurado akong bigla siyang napangiti nang narinig niya ang pangalan ko. Ah, pare. Buti naman naisipan mong tumawag. Kumusta? Sagot naman ako ng okey lang. Pare, may ginagawa ka ba?, tanong ko. Actually, katatapos lang daw niyang magrosaryo at patulog na siya. Nakakaabala pala akong kung ganun. Hindi pare...hindi, depensa niya. Hindi pa naman daw siya dinadalaw ng antok. Doon na nagsimula ang aming kwentuhan.
Batid daw niya na hindi ako napuwing nung rally. Naluluha raw ako nun. Inurirat niya kung bakit. Wala ako sa mood maglihim sa mga oras na iyon. Malakas kasi ang loob kong magsiwalat ng aking mga lihim lalo na't lumalalim na ang gabi. Kinuwento ko sa kanya ang lahat. Lahat ng tungkol sa amin ni Liza. Maayos naman siyang nakinig at nagbigay ng ilang mga komento. Ako naman ang nagtanong kung bakit ganun yung titig niya sa akin habang binibigay ko yung aking mga saloobin ukol sa mga isyu sa lipunan. Buong katapatan naman niya akong sinabihan na aral na aral daw akong sumagot.
Tangina, napahiya na naman ako sa kanya sa pangalawang pagkakataon.
Wala pala akong pinagkaiba sa mga kinaiinisan ko sa unibersidad. Wala raw kasing puso at sinseridad yung mga sagot ko. Para daw akong sumali sa biglaang talumpatian. Sa pananalita pa lang daw ng isang tao, maaari mo nang madama kung sino yung nagtitibaktibakan, at isa na raw ako dun.
Ewan ko. Pero sa imbes na magalit ako sa tinuran niya ay napahalakhak lang ako. Pare, buti na lang hindi marunong kumilatis ng mga nagtitibaktibakan yung mga propesor ko. Kung hindi, hihilahin nila pababa yung marka ko. Natawa rin siya pero halatang pilit. Alam mo pare, sabi niya, hindi mo naman kailangang magtibaktibakan para madama yung mga isyu. Tumingin ka lang sa paligid mo, maari mo nang maramdaman ang pagkukulang ng mga nasa katungkulan at ang pangangailangan ng mga mamamayan. Pare, sa panahon ngayon, kailangang makiisa ka sa pagbantay ng katotohanan.
Marami pa kaming pinagkuwentuhan nang gabing iyon. Ngunit karamihan ay tungkol lang sa akin umikot. Ngayon lang kasi ako nakahanap ng taong makikinig sa mga angas ko sa buhay. Si Liza, siya na lang ang lagi kong pinakikinggan. Kabisado ko na ang palasak niyang istorya na kaisa-isang anak mayaman na wala namang panahon ang mga magulang. Pero ako, sa magtatatlong taon naming magkasama halos di ko pa nakuwento ang buhay ko sa kanya o sa kahit kanino pa. Parang iniiwasan din kasi ni Liza pag nagdadrama na ako. Sapat na siguro para sa kanya yung mga sarili niyang drama. Ako, ewan ko.
Pero ngayon lang ako nagbuhos ng sarili ko sa isang tao. Pakiramdam ko ay nasa confession box ako at ang kuwento ng buhay ko ang nagsilbi kong mga kasalanan. Si Nick naman ang tumayong paring handang makinig sa aking mga inarte.
Di ko rin naiwasang banggitin sa kanya na kinukunsidera kong maging atheist na lang sa takbo ng mga pangyayari sa lipunan. Sinabi ko rin sa kanya na kaya parang naaalibadbaran ako sa mga paring katabi namin sa rally. Pakiramdam ko nga kasi, eh parang allergic na ako sa mga taong nakaabito. Ewan ko pero parang gulat na gulat siya. Hindi ako magugulat kung napa-sign of the cross siya sa kabilang linya.
Dinahilan ko na lang na sa sobrang hirap ng buhay at sa kawalan ng pagkakapantay-pantay sa lipunan, parang nawawalan na ako ng pananalig na may Diyos. Sinagot lamang niya ito. Alam mo pare, ang paniniwala kasi ay dinurugtungan ng pananamplataya. Maaring kuwestiyunin natin ang mga nangyayari sa ating kapaligiran subalit lahat ng ito ay mayroong dahilan. Mapait man ang dahilan ay kailangan nating tanggapin. Nananatiling may plano siya para sa lahat sa atin. Ewan ko. Hindi lang yun ang unang pagkakatong narinig ko ang mga katagang iyon pero parang natauhan ako sa sinabi niya. Ganito lang siguro talaga ako. Walang matibay na paninindigan sa mga bagay-bagay. Kaya may marinig lang akong magandang argumento, kakatig na agad ako dun. Pero sa pagkakataong ito alam kong nakumbinsi niya ako. Hindi ng kanyang argumento kundi ng namamayaning sinseridad na bumubukal mula sa kanyang mga sinambit.
Marami pa kaming pinag-usapan nang gabing iyon. Tunay namang kaysarap ng pakiramdam na may nakikinig sa iyo. Kaygaan ng pakiramdam ko nang madaling-araw na iyon. Parang gusto ko na uling maniwalang may Diyos.
Simula noon, tuwing weekends ay lagi kaming nagtatawagan. Pag weekdays kasi ay abala siya sa mga gawain nila sa opisina. Oo nga pala, boluntaryo siyang lumahok sa isang human rights organization. Doon daw niya kasi nararamdaman ang tunay na kahulugan ng serbisyo. Gayunpaman, malapit na raw siyang umalis sa tanggapang kanyang pinapasukan, tutal naman daw ay mag-iisang taon na siya roon. Tinanong ko siya kung bakit, subalit tila ayaw niyang sabihin sa akin kung anuman yon. Baka naman nais na niyang kumita ng salapi kaya't naisipan niyang lumisan na sa kanilang organisasyon. Maaari rin namang may nakaaway siya roon kaya mamabutihin na lang niyang iwan ang tanggapan. Wala raw ni isa sa mga hinuha ko. May higit raw na malalim na dahilan. Ewan ko, di ko na lang siya inurirat pa. Tinanggap ko na lang na ipinagkait niya sa aking ibunyag ang kanyang dahilan. Tinamad na akong mag-usisa pa. Ganun naman ako. Kung ayaw mo, di wag, di kita kukulitin. Kaya nga hanggang sa mga panahong yon ay di ko pa rin tinatawagan si Liza.
Manigas siya!
Kung anumang lumbay ko dulot ng di pagtawag ni Liza ay natatabunan pag naririnig ko na ang boses ni Nick. Pakiramdam ko, maski nawalan ako ng syota, me kaibigan namang pumalit. Tinuring ko siyang higit pa sa aking mga kapatid. Medyo isinantabi muna namin yung mga isyu ng lipunan tuwing kami'y nag-uusap. Higit kaming naging interesado sa personalidad ng bawat isa. Tinanong niya ako minsan kung mahal ko pa rin daw si Liza. Sinagot ko siya ng siyempre naman pare, sanay lang talaga akong makipagtikisan.
Tatlong Sabado na ang nakaraan nang naisipan kong tanungin siya kung bakit wala pa rin siyang naging syota. Tumahimik siya. Matagal. Naghihintay ako ng sagot. Katahimikan pa rin.
Hello..pare, nandyan ka pa ba? Para siyang nagising mula sa pagkakatulog sa sinabi ko. Oo nandito pa. Inulit ko uli yung tanong ko. Sumagot siya. Wala lang. Patlang. Hindi ko pa siguro nakikita yung babaeng mamahalin ko. May nakita man akong pakiramdam ko mahal ko, hindi puwede. Nagulat ako. Bakit hindi pwede? Tumahimik uli siya. Baka magalit siya sa akin. Baka isipin niya tarantado ako. Pero kung alam lang niya kung gaano ko na siya kamahal. Natawa ako. Wow! Mukhang in love yata 'tong pare ko. Alam mo pareng Nick, feeling ko natotorpe ka lang. Okey ka naman. Maski nung rally lang kita nakita, I can say that you look good. I don't see any reason para magalit siya sa iyo at isiping tarantado ka. Tell your feelings to her and I'm telling you, maybe it's worth the try. Katahimikan uli.
Albert, I love you!!
O My God (ngayon pa bang naniniwala muli ako sa existence nya)! Tumahimik ako. Albert ang sabi ko I love You. Pinanatili kong nakatikom ang aking bibig habang bumilis yata yung takbo ng mga neurons sa brain ko. Mahal kita Albert. Unang beses pa lang nang makita kita sa rally, iba na agad yung feelings ko sa yo. Di ko nga alam kung bakit binigay ko sa 'yo yung telephone number ko, di ko naman gawain yun. Gago ka, tinawagan mo ako e. Wala na manhid na ko. Di ko alam kung anong sasabihin ko.
Tanginang pag-uusap to.
Pare, niloloko mo ba ko? Tigilan mo na yan.
Pare mahal kita.
Pare tarantado ka pala e, pareho tayong lalake.
Kala ko ba di mo iisiping tarantado ako.
Di ko naman kasi akalain na ako pala yung tinutukoy mo.
Galit ka?
Natatarantaduhan ako sa yo.
Okey lang, alam ko namang maski anong mangyari hindi puwede. Malabo talaga pare, pareho tayong lalake. Higit pa dun ang dahilan pare, higit pa dun.
Wala akong pakialam, nahihibang ka na!
Akmang ibabagsak ko na yung telepono nang marinig ko siyang humahalakhak. Napakalutong ng kanyang tawa. Punung-puno ng galak. Parang kung napupuno ng halakhak ang timba ay ilan ulit nang umapaw yon. Hindi ko ibinaba ang telepono. Nagpatuloy si Nick sa kanyang paghalakhak.
Nang nahimasmasan ay nagsalita rin siya. Medyo natatawa pa rin siya pero naiintindihan ko na yung mga sinasabi niya. Sarap mong lokohin pare. Hahaha. Di ka na mabiro. Patlang. Akala ko ba kung sinuman yung sasabihan ko hindi ako sasabihang tarantado. Pinagpraktisan lang kita, tarantado rin lang pala yung maririnig ko. Natawa na rin lang ako, pero medyo pilit. Tangina mo pare, nadale mo ako dun. Tumawa pa rin sya samantalang ako medyo windang pa rin sa naganap naming pag-uusap. E sino nga yung tinutukoy mo?
Basta, balang araw malalaman mo rin.
Yun na kumbaga ang pinakahuli naming pag-uusap. Isang Sabado pagkatapos noon ay may dinaluhan akong isang konsyerto na alay para pa rin sa pagkalampag sa kasalukuyang administrasyon. Nito namang nakaraang weekend, tumawag ako sa kanila pero walang sumasagot ng telepono. May lakad siguro ang buo nilang pamilya. Ewan ko.
Pero parang may kulang sa akin nang weekend na yon.
Nang sumunod na linggo ay may mobilisasyon na namang magaganap subalit hindi na sa Mendiola, sa Senado na. Ito ang unang araw ng impeachment trial kay Pangulong Estrada. Sa pagkakataong ito, hindi na ako napipilitang pumunta sa mga rally na tulad nito. Ang totoo nga nyan ay hindi naman kami inobliga ng guro namin na pumunta pero sumugod pa rin ako sa Senado. Binuksan ni Nick ang isipan ko tungkol sa esensya ng mga ganitong pagtitipon. Tulad nga ng sinabi niya, kailangang makiisa ka sa pagbabantay sa katotohanan.
Pare-parehong mga mukha at organisasyon pa rin ang matatagpuan sa Senado--parang nilipat mo lang dito ang mga nakikibaka sa Mendiola. Sa pagkakataon nga lang na ito ay mayroong mga grupong maka-administrasyon. Nagsisimula na raw ang paglilitis sa loob ng Senado. Tulad nang dati, naglibut-libot na naman ako sa hanay ng mga nakikibaka. Subalit ngayon wala akong balak na tumakas. Nais ko lang makita kung sino na namang mga prominenteng tao ang nakikiisa sa mga ganitong pagtitipon.
Wala pang limang minuto nang nagsimula akong maglakad nang makita ko uli di sa kalayuan ang isang grupo ng mga pari. Kung di ako nagkakamali ay sila rin yung grupong nakatabi ko sa Mendiola ng huling rally pero parang dumami ang kanilang bilang. Gayunpaman, di na ko naiilang o naalibadbaran pa sa presensya nila.
Di na ko allergic sa kanila.
Puting-puti pa rin ang kanilang kasuotan. Dulot na rin ng mga pangaral sa akin ni Nick, nakuha kong unti-unting magbalik sa Kanya. Kaya walang dahilan para mailang pa ko sa mga nilalang na nakaabito.
Ewan ko, pero isang mukha ang umagaw ng atensyon ko sa hanay ng mga paring ito. Isang mukha na kahit isang beses ko lang nakita sa buong buhay ko ay hindi ako magkakamali. Kahit na boses lang ang pinakanagbigkis sa amin ay sigurado akong siya yon.
Si Nick. Hahaha si Nick. Sinong mag-iisip na hindi man kami nakapag-usap nitong mga nagdaang weekend ay muli pala kaming magkikita. Katabi na naman niya ang mga pari.
Pero isang bagay ang napansin ko na tila nagpahinto sa galak kong makita siyang muli. Puting-puti na rin ang kasuotan niya, hindi na siya nakasibliyan. Nakaabito si Pareng Nick.
Lalo ko pang napagtibay ang hinala ko nang di sinasadyang napatingin siya sa akin at tila gulat na gulat nang makita niya ako. Tiningnan ko lang siya, tingin ng isang manhid na tao, mala-baldadong tingin. Para siyang nataranta sa presensya ko. Sumenyas na manatili lang ako sa puwesto ko at lalapitan niya raw ako. Lumalabo na naman ang paningin ko, tubig na naman yata 'tong nakikita ko.
Napuwing lang ako, wag mo kong intindihin. Pare, pwede bang mag-usap tayo? Walang problema.
Pumunta kami sa isang lugar na walang gaanong tao. Iniwasan ko munang magmukha akong napuwing. Wala munang kibuan. Pare, galit ka ba? Hindi. Bakit ganyan tingin mo? Wala nagulat lang ako. Bakit ka naluluha? Napuwing lang sabi ako. Hindi ka napuwing, naiiyak ka. Wala 'to, tears of joy lang kasi pari ka pala, ikaw siguro yung hulog ng langit sa 'kin para ayusin ko yung mga likong pananaw sa buhay ko. Salamat kung gayon. Pasensya ka na kung di ko agad sinabi sa yo na pari ako kasi baka iwasan mo ako. Di ba sabi mo, allergic ka sa mga pari? Di na ngayon. Mabuti naman. Nitong Sabado lang ako naging ganap na pari. Kaya pala walang sumasagot sa bahay nila, pumunta malamang ang kanyang buong pamilya sa kanyang pag-ordina. Hindi pala pare ang dapat na tawag ko sa yo, padre dapat. Tumawa siya. Kaya pala siya aalis na sa opisinang kanyang pinapasukan dahil malapit na siyang maging isang ganap na pari.
Ang isang buong taong binigay sa kanya ng simbahan upang mapagdesisyunan kung ipagpapatuloy ba niya ang pagpapari o hindi, kasama ang lahat ng uri ng elemento sa lipunan ay nagwakas na. Minabuti niyang gugulin ang panahon na yon sa isang tanggapang nangangasiwa sa mga karapatang pantao. Dito raw siya namulat kung gaano na kalala ang ating lipunan sa usapin ng paglabag sa mga karapatan. Nung nakita ko siya sa Mendiola ay binubuno pa niya ang isang taong pagdedesisyon kung itutuloy ba niya ang kanyang pagpapari. Nagkataon din na ang kongregasyong kanyang kinabibilangan ay naniniwalang kailangang magkaroon ng pananaw maging ang mga alagad ng Diyos sa mga isyu ng lipunan. Sila ang kung ituring ay mga aktibistang pari.
Naalala mo yung sinabi ko sa yo dati na mahal kita, Albert? Totoo yun. Lalo akong nagulat. Pero sinabi ko sa yo na hindi pwede di ba, maliban sa pareho tayong pare. Patlang. Kasi may bokasyon ako. Nakatitig lang ako sa kanya. Siguro iniisip mo kung bakla ako. Ewan ko…siguro. Basta alam ko itong damdamin na ito ang nagtulak sa akin para magpari ako. Yun lang kasi ang pinakaepektibong paraan na maiisip ko para malayo ako sa anumang tukso dulot ng damdamin kong ito, maliban pa dyan na relihiyoso talaga akong tao. Kaya lang dumating ka, binulabog mo uli ang pagkatao ko kung kailan palapit na ang pagiging isang ganap kong pari. Mabuti na lang di ako nadaig ng tukso. Salamat. Kahit di mo sinasadya lalo mong napagtibay ang relasyon ko sa Kanya. Salamat.
Sumunod noon ay may inabot siya sa aking larawan niya. Kinuha ko lang iyon at inipit na muli sa aking pitaka. Baka matatagalan daw ang muli naming pagkikita. Sa makalawa ay tutungo siya sa Mindanao kung saan siya itinalaga ng kanilang kongregasyon. Alam niyang delikado pero maaaring doon daw talaga siya pinapupunta ng Panginoon.
Natapos man ang unang araw ng impeachment trial ay wala pa ring kasiguruhan ang itatakbo ng paglilitis. Katulad namin ni Nick, wala ring kasiguruhan kung kami'y magkikita pang muli. Tila napupuwing na naman ako.
Kinagabihan nakahiga uli ako sa kama at nagmumuni-muni sa mga nangyari. Wala pang ilang minuto sa paghilata ko sa kawalan ay biglang nagring ang telepono. Hello Albert, pwede ba tayong mag-usap? Si Liza. Nakikipag-ayos. Namimiss na raw nya ko. Baka raw pwedeng ayusin namin ang kung anumang nagpapagulo sa relasyon namin. Alam ko namang medyo naging immature ako sa relationship natin, pero you also have your own share. Tahimik lang ako. Pinabayaan ko lang siyang magsalita. Albert, magsalita ka naman, alam kong nandyan ka lang sa kabilang linya.
Kinuha ko ang aking pitaka habang patuloy siya sa pagsesentimyento sa kabilang linya. Kinuha ko dun ang picture na iniwan sa akin Nick. Tinitigan ko lang ito. Albert, please, wag mo naman akong pagmukhaing tanga, sabihin mo kung anong gusto mong sabihin. Sa pagkakataong ito ay parang nakatingin sa akin ang mga mata ni Nick sa larawan, tila nangungusap. Hello, Albert,ano ba?
Di lang ikaw, Nick, ang nagulo, maski ang sarili kong pagkatao.
Albert, sabihin mo lang kung di mo na ko mahal at di na kita iistorbohin pa. Albert, mahal mo pa ba ako? Para wala ako sa sarili nang binigkas ko ang mga katagang Mahal na mahal… habang lalo ko pang hinigpitan ang pagkakahawak at pagkakatitig sa larawan ni Nick.
Tangina, pare!
Napuwing na naman ako.